Posts tagged Short Story

Gaze

Alam ko naman na hindi ako friendly. Hindi rin ako nagsasalita sa klase. Ako ‘yung tipong maingay sa online networking sites pero tahimik pagdating sa campus. Gwapo ako with vindication. Kaya naman maraming patagong tumititig sa’kin. ‘Yung tipong magpi- picture sila kunyari tapos isasama pala ako sa shot. And then the usual, magtitilian. I must admit, natutuwa ako kapag ganon. Pero madalas naiinis ako. Lalo na kapag si Nikki na ‘yung tumititig sa akin. Torture eh.

Who the hell is she? Kaklase ko. Ok, We’re not close. Ni- minsan hindi kami nag- usap. She is the weirdest creature I’ve ever met. I know, I’m kinda mean. Well, kung nasa katayuan ko lang kayo, you will know the feeling. You see, she is something. From kindergarten until ngayong highschool, lagi s’yang nand’yan. Kala ko nga dati may crush s’ya sa’kin. Pero habang tumatagal, nag- iba ‘yung vibes ko. There is more beyond her fierce eyes. Para n’ya kong hinuhubaran kapag tinititigan n’ya ko. Alam mo ‘yung tipong tatalon ‘yung puso mo sa sobrang kaba. Takte! Isipin n’yo na lang kung ilang mini- heart attacks ‘yung naranasan ko sa tuwing mahuhuli ko s’yang nakatitig sa’kin. Creepy!

Actually takot ako. Nikki kasi has this secret ability, sabi nila. What secret ability? I’m really not that sure. Pero maybe it is the answer kung bakit ganon na lang kami mag- iwasan sa isa’t isa. Baduy? Yah, right. Kahit ako hindi naniniwala na may powers s’ya. Pero, I can’t get the danger out of me whenever she’s there. Ang heavy lagi ng feeling ko. 

Siguro dahil na rin sa pakiramdam na ‘yon, nagkalakas- loob ako na kausapin s’ya for the very first time. Ayun nga, nilapitan ko s’ya during recess. Alam mo ‘yung tipong kinikilig at halatang tumigil ‘yung oras n’ya ng papalapit na ako sa kanya. Ayoko ng pahabain pa ‘yung conversation namin. Kaya directly, I told her what I feel about her. Tango lang ang sinagot n’ya sa’kin. Tapos nagulat ako, biglang umiyak. At humahagibis na tumakbo palabas ng school. Maybe nga siguro gusto ako nito. Na- heartbroken ata ng wala sa oras.

From there, hindi ko na ulit nakita ‘yung anino ni Nikki. Halos buong klase nag- aalala kung bakit isang linggo na s’yang absent. Na- guilty naman ako. So I decided to take the risk… I decided to go to their house to apologize. Para na rin mas mahaba naming mapag- usapan kung ano ba talagang meron sa aming dalawa at kung anong hindi pwedeng mangyari sa aming dalawa.

Pagkatapos na pagkatapos ng klase namin ng araw na ‘yon, I went straight to their house. Kabisado ko naman ‘yung ruta ng kalye nila, kaya dire- diretso ako hanggang sa matunton ko nga ‘yung bahay nila. Kumatok ako ng ilang beses sa pintuan. Nung una, walang sumasagot. Inulit- ulit ko, mas malakas this time. Wala pa rin. Nawawalan na ko ng pag- asa kasi walang nasagot. Wala atang tao. Pero aktong paalis na ko, doon ko lang napansin na bukas pala ‘yung pintuan. So pumasok na ko.

Sa loob, madilim. Kapansin- pansin ‘yung isang kwarto sa taas, kasi may liwanag na tumatagos sa siwang sa baba ng pintuan. Tinawag ko ‘yung pangalan ni Nikki, walang sagot. Bahala na. Ayoko namang mapunta sa wala lahat ng efforts ko. Kaya inakyat ko na ‘yung hagdanan. Sa isip- isip ko, kapag nahuli ako sa ginagawa ko na pagte- trespass, idadahilan ko na lang na pinadala ako ng school para malaman kung bakit hindi na pumapasok si Nikki.

Unti- unti kong pinihit ‘yung pintuan. At ang unang tumambad sa akin ay si Nikki. Halatang may sakit, nilalagnat. Halatang- halata ang gulat sa mukha pagkakita sa’kin.

“Bakit ka nandito? Ano pa bang gusto mo?”

“Uhmmm… Pasensya na kung ano… kung…”

“Pwede bang layuan mo na ko.”

“Huh? Anong layuan?”

Biglang humagulgol ng iyak si Nikki.

“Tama na. Matagal na kong nagtitiis. Please matahimik ka na. Parang awa mo na, layuan mo na ko. Pumunta ka na sa dapat mong puntahan. Patay ka na! Matagal na!”

3 notes 

Ang Baskil

Tuwing hapon madalas sumasalakay ang Baskil. Simula ng dumating ang tag- init ay sunud- sunod na ang pag- atakeng nagaganap sa aming nayon. Ang madalas na biktima niya ay pulos mga binata’t dalaga. Hindi rin niya pinapalampas ang mga lasenggero sa aming lugar. Sadyang swerte nga lamang ang mga bata sa amin dahil ni minsan ay walang kinanting musmos ang Baskil.

Walang sinuman ang makapagsalarawan ng itsura ng halimaw. Pinaniniwalaang ang Baskil ay mabalahibo, may katangian ng parang sa tyanak, at may bilis ng sa kabayo.

Paulit- ulit ang bilin ni inay at itay sa akin na iwasan ang palaruan pagkagaling sa eskwela. Sa palaruan kasi naganap ang unang pagsagupa ng Baskil. Naaalala ko pa ang masasayang ngiti ni Binang habang nakasabit sa ‘monkey bars’. Ng biglang- bigla mula sa kawalan ay sinukob ng Baskil ang dibdib niya. Hindi pinalad pati ang mga dulo ng daliri ni Binang. Nagpatuloy ito hanggang sa kanyang likuran at puwet. Kitang kita ko din ang pamumula ng kanyang mukha. Wala akong nagawa kung hindi tumakbo kasama ang iba pang bata sa palaruan. Naiwang mag- isa si Binang na umiiyak at simula noon ay bihira na s’yang lumabas ng bahay. Kung lumabas man siya ay nakatungong tunay ang kanyang ulo. Hiyang- hiya. Kapansin- pansin din ang kakaibang amoy na nanggagaling sa kanyang katawan. Ito ang pangunahing tanda ng pagkapit ng espiritu ng Baskil. Totoo nga kayang ginahasa s’ya ng halimaw?

Mula kay Binang ay nagsunud- sunod na nga ang insidente na Baskil. Naging tampulan ng tukso ang sinumang kapitan ng halimaw. Nilalayuan, pinag- uusapan… Kaya naman para matigal na ito ay nagsimula ng kumilos ang lokal na pamahalaan sa amin. Sa pangunguna ng mga nakatatanda sa nayon, sa pangusap ng aming patrong si Itang Alamad, nagkaroon ng isang malaking pulong sa Sambahan.

Punung- puno ang Sambahan sa araw na itinakda. Bukod sa mga Amang at Inang na nakahilerang naka- upo sa taas, kapansin- pansin din ang naglalarong amoy sa gitna ng entablado. Nakadagdag sa nginig ng gabi ang malamig na simoy ng hangin. Walang mga dingding ang sambahan, paano kung sumalakay sa kadiliman ang Baskil?

Sa pulong ay napag- usapan na maglaan ng curfew. Sinabing sinuman ang taong lumabag ay pagbubuwisin. Ito ay para na rin daw sa kaligtasan ng lahat. Sinabi rin ni Amang na nakipag- ugnayan na ang mga Apolo ng nayon sa City Public Health Center para mabigyang lunas ang mga nabiktima at mabibiktima ng Baskil. Bukas na bukas rin daw ay sisimulan ang pagroronda ng mga tanod ng sa ganon ay mahuli ang sinumang maaaring nasa likod ng mga krimen na napadadalas sa nayon.

Sa paglipas ng mga araw ay dumalang ng dumalang ang insidente ng Baskil. Muling bumalik ang ngiti sa mga mukha ni Binang. Naging madalang din ang mga kwento tungkol sa iba pang halimaw na gumagala sa aming lugar. Nagsimula ng bumalik ang lahat sa normal, ng biglang isang araw…

Masamang masama ang pakiramdam ko non galing sa eskwelahan. Pagod. Alam ko may prisensyang sumusunod sa akin. Alam ko din na hapon na at ito ang paboritong oras ng Baskil para isagawa ang kanyang mga plano. Tantyado ko din na lalagpas ako sa curfew. Hindi ko namalayang napapabilis na ang lakad ko. Hanggang sa ako pala ay tumatakbo na ng tumatakbo ng tumatakbo. Lalo ring lumakas ang puwersa sa aking likuran. “Maabutan ako ng Baskil!! Maaabutan n’ya ko!”, nasasaloob ko. Dinere- diretso ko ang tulay papunta sa amin. Ngunit ng parang mawawalan na ko ng pag- asa ay naulinigan ko ang tanglaw na nanggagaling sa aming bahay. Binilisan kong lalo ang pagtakbo. Hanggang sa marating ko ang munting hagdanan ng barang. Napangiti ako. Nakaligtas ako sa Baskil!

Narinig kong bigla si Inay:

“Tisoy, nandyan ka na pala. Alam mo bang alalang- alala na kami sa’yo ng tatay mo. Mugtikan ka ng lumagpas sa curfew.”

“Inay, pasensya na’t huli na po kaming pinalabas ng eskwelahan.”

“O, siya’t pumasok ka na. Ingat, O ingat, akin na nga ‘yang kamay mo’t maalalayan.”

“Opo Inay!”

Mabilis na nagbago ang ekspresyon ni inay ng iabot ko ang aking kamay. Doon ko lang naramdaman ang basa, doon ko lang naamoy. Ang Baskil, nagtagumpay ang Baskil!

*Baskil: Basang kili- kili

1 note 

Food Trip

“Guys, sa Baguio na lang! If magfu- food tripping lang din tayo, gusto ko namang lumayo sa Manila. We’ve been doing it for three straight years dito. Two times in a year na nga lang tayo nagkikita, hindi pa ba natin susulitin? And besides, nagsasawa na ko sa mga pagkain dito. Paulit- ulit lang na kung hindi sa Taft Ave, sa Espanya. Don’t you think na mag- try naman ng exotic foods? Something rare, something na hindi pa natin natitikman.”

Si Kaloy. Si Kaloy ang pinakamadaldal sa grupo. Simula Highschool ay ganyan na s’ya. Madalas na nakakagalitan ng mga guro dahil sa kaingayan n’ya. Hinding- hindi ko makakalimutan ng patulan n’ya ‘yung 3rd year highschool teacher namin na mugtikan na kaming ibagsak lahat. Hindi ko din s’ya masisisi sa ginawa n’ya. Naging malaking pundasyon ng grupo namin ang tiwala at pagkakaisa, kaya tinulungan namin s’ya. Nakinabang kaming lahat pagkatapos nun. Sa sobrang saya namin, nagpakabusog kami ng araw na ‘yon. Wala kaming tinira ni isang basyo ng alak na itinakas pa namin sa bahay nila Stephen. Ubos na ubos din sa amin ang tsibog.

Mr. Strategist ang tawag namin d’yan. S’ya ang nagpaplano ng lahat- lahat ng bagay na kakailanganin para sa ikakatagumpay ng Food Escapades. Bukod sa nangunguna s’ya sa suggestions tuwing nagpupulong kami every year, s’ya rin ang founder ng motto ng grupo: We can value!

“Sa Baguio? Are you kidding me? What is the difference? Malamig lang naman do’n! If we are into exotic foods, why not we try tribe foods? Balita ko masarap daw ang tribal foods. Epic right? Not specifically Baguio. Something near lang here at Manila. Basta kahit saan. Wherever there is a tribe.

“Tribe foods? Nagpapatawa ka ba Bodx? Mamaya kung ano pang sakit makuha natin sa mga tribe- tribe foods na ‘yan. Baka nakakalimutan mo na suggestion mo din ‘yung sinunod natin na kumain ng mga pagkain within Baclaran Church. ‘Di ba nagsususuka tayo after non? Sa sobrang asim ba naman ng mga pagkain na ibinibida mo. Gustung gusto mo pa ‘yung mga nasa side walk.”

“Relax Jeka! Sorry na. Matagal na ‘yun, hindi ko lang naman natantya eh. Gusto ko kasi talaga ng mga ganong pagkain. Alam mo ba na good for the heart ang suka. Atsaka parang hindi mo naman na- enjoy. ‘Yun lang din kasi ‘yung better way na naiiisip ko na makakain ng mga pagkain na binebenta sa Sidewalk without thinking na may formalin. Ikaw ba, may naiiisip ka bang better idea?”

“Logically, it would be better if we will do it na lang here in Manila, and spend the money na lang sa mga sosyaling foods… Campus Foods! Why not we go to La Salle, Taft? Madaming foods don. Mamahalin, full of life, colorful… full of variety. Oh, since gusto n’yong umalis ng Manila, Quezon! UPD tayo. Madami din don. And take note, nandon ang ever famous Tapsihan. Parang ang sarap lang kumain don.”

“That is a nice idea but, what if… uhm.. Mall Foods? Maraming nagkalat ngayon sa mga Mall. If sa school kasi, parang predictable na ‘yung mga pagkain. What do you think Kaloy?

“I’ll go with your idea Trevs! There are exotic foods in the mall din naman.  Eto na naman. Every time na nagdi- discuss tayo about this, naglalaway ako.”

Si Trevor. The Muscle Man ang taguri namin sa kanya. Sa laki ng katawan at tangkad n’yang taglay, he plays one of the most important roles in the group. Dahil sa hilig n’yang magbuhat ng kung anu- ano, Inuubos n’ya ang allowance n’ya kaka- gym. Napapangiti nga ko sa tuwing naaalala ko na s’ya ang madalas utusan ng mga guro noon sa tuwing may bubuhating mabigat para sa room. Napapakinabangan namin ang tikas n’ya bigtime.

Si Jeka naman ang pinakamaselan sa grupo. Gusto n’yan sanitized lahat. Naniniwala daw kasi s’yang ang pagkain ay buhay. Ipinagkaloob ng Diyos na kailangang ingatan. Kung anong silbi n’ya sa grupo? Wala kundi landi! Kung hindi lang din landi ang ang gagamitin, PR naman daw n’ya ang kapaki- pakinabang sa amin. Tinagurian namin s’yang babaeng mahilig sa tikim, the reigning Free Taste Queen. Matindi kasi sa mga lalaking titser nung Higschool ‘yang si Jek. Karamihan daw dumaan sa bibig n’ya. Kaya madaming nawalang lalaking guro dahil sa kanya. 

Si Bodx naman ang Transportation Officers namin. S’ya ang nagpo- provide ng sasakyan na kakailanganin namin para sa trip. Lalaking version ‘yan ni Jek. Lagi n’yang pinagmamalaki ang mga nagdaang babae sa buhay n’ya na natikman n’ya daw lahat.

“Guys, how about Street Foods?”

“Gellie, are you out of your mind? Streetfoods? Eeeeewwww…. Just the thought of it nahihilo na ko. Parang ibang version lang ‘yan ng Sidewalk foods ni Bodx eh. Maghahanap pa ba tayo ng gusgusing bata at mababantot na matatandang naglalako?”

“Ang arte Jek ah, why not? Pinoy na pinoy ang dating. Atsaka this once lang naman.”

“Stephen, Huwag lang talaga Streetfoods. Ayos na ko sa idea ni Trevor eh. At least ‘yun malinis. May class.”

“Malinis? How did you know? How will you know kung malinis? If we will take Mall Foods kasi in consideration talaga, wala tayong specific na objective of what to eat. Huwag n’yong sabihing foreign foods lang din ang kakabagsakan natin pagpunta natin ng Mall. Ayoko na ng Indian Foods, mabaho, and masyadong matigas ‘yung Irish Foods. Basta walang Foreign Foods.”

Si Stephen ang pinakamayaman sa grupo. Sugar Daddy namin ‘yang lahat. Mahilig ‘yan sa Extra Challenge. Gusto n’ya ‘yung tipong may makukuha s’yang sakit kapag kinain n’ya.

Si Gellie naman ang Spotter namin. Bukod don, s’ya ang pinakamatakaw. S’ya ang pinakamagandang halimbawa ng kasabihang ‘walang tutong sa batang nagugutom’.

Si Stephen at si Gellie ang loveteam ng grupo.

“Guys, ang tagal na nating nagdidiskusyon dito. Why not we ask Aj. Gusto ko namang marinig ang say ng ating Ms. Killer Smile. Kung ano ‘yung decision n’ya, then that’s it!”

“Isn’t that unfair Kaloy?”

“Jeka, bakit naman magiging unfair ‘yon? Sa grupo na ‘to kahit kelan, my ideas have never been carried out! Eh kung sino lang din ang mas mahalaga sa’tin dito, it’s me. It will always be me! Puro landi lang naman ang kaya mong gawin eh. Eh ako, ako ang tagaluto n’yo! Ultimo pagtatanggal ng lamang loob ng mga taong kinakain natin ako ang gumagawa! Pagse- shave ng mga buhok, pagtatanggal ng mga kuko, pati pag- aalis ng dugo- ako! Ako pa maglilinis ng kalat!”

“Oh, relax, relax guys, we’re family here, remember, we can value!”

“Tama si Gellie, let’s stop this. Jeka say sorry to Aj.”

“Okay, sorry. I did not intend naman to hurt your feelings eh. Sige, whatever your decision, then ‘yun na! No more regrets.”

“So what is your decision Aj?”

“Guys, sa tagal kong nakikinig sa inyo, I’ll go with…”

“With what?”

“Streetfoods! Gusto kong makatikim ng pulubi!”

3 notes 

Break- Up

(Bago basahin, patugtugin ang “I Love You, Goodbye” ni Nina)

Mag- aala una na. Umuulan tapos malakas ‘yung hangin. Nakikiayon sa’kin ‘yung panahon. Kanina pa din talaga ako nakatanga sa labas ng building mo. Tinatanaw ko ‘yung pangatlong kwarto mula sa kanan sa 24th floor. Maliwanag. Gising ka pa nga! Aalis na sana ako, kaso, alam kong hinihintay mo ko. Ganyan ka naman lagi. Lagi mo kong hinihintay, ako lang naman ‘tong selfish.

Memorized ko na ‘yung script na sasabihin ko sa’yo. Dapat ‘yung tipong may drama effect. ‘Yung maraming lines na kapag binigkas ko unti- unti lang kung tumusok. ‘Yung hindi sumasaksak, ‘yung pwedeng iyakan ng paunti- unti. Nag- ready din ako kung pano ko i- dedeliver ‘yung mga linya. Modulated na ‘yung voice ko, syempre gusto ko lagi, the best ‘yung ibibigay ko sa’yo. Ultimo pagkain ng chocolates iniwasan ko ng isang linggo, nagsalabat din ako kanina bago ako umalis ng bahay.

Balak ko sanang simulan sa konting ubo kapag magkaharap na tayo. Dapat ‘yung medyo mahinang ubo lang. Tapos sasabihin ko ng dahan dahan ‘yung pangalan mo, ‘yung tipong may panghihinayang, mamaya na ‘yung pangangatal, medyo dulo ko na gagawin ‘yun. Basta, pagkasabi ko ng pangalan mo, bigla akong uupo sa tabi mo. Ilalapit ko ‘yung kamay ko sa baba mo, papunta sa noo. Ihaharap ko ‘yung mukha mo. ‘Yung mukha mo na laging nagpapasaya sa’kin dati. Kapag magkaharap na tayo, titigan kita… ‘Yung titig na may pababa- baba ng tingin. Dapat ‘yung may konting nahihiya kuno.  Mga dalawang araw din akong nag- practice na makipagtitigan ng walang kurap kurap para lang sa’yo. Kukurap lang ako kapag alam kong medyo basa na ‘yung mata ko, para makapag- papatak na ko ng unang luha. ‘Yun yung go signal ko na kailangan ko ng magsalita.

Tatalikod muna ako, tapos sasabihin ko sa’yo “It’s not your fault”. Unang option kong sabihin ‘yan para kahit papano you have your clue na kung bakit gusto kong makipagkita sa’yo. Kung sakaling naramdaman ko na alam mo na ‘yung pinunta ko, syempre may reserba akong 1st line, “Sorry, sinubukan ko kaso…”; If ever nauna kang magsalita, “Alam ko, pero hindi kita kayang alagaan. You don’t deserve me.” Lahat ‘yan pataas ng konti ‘yung tono, then biglang preno para nandon pa rin ‘yung atmosphere.

Kapag tapos na ko sa 1st line ko, lalakad ako sa study table mo, then sa mga dingding, sa lahat ng corners ng kwarto mo na naging saksi sa pagmamahalan natin. Titignan ko ‘yung mga pictures, tapos kukunin ko ‘yung isa sa mga pinaka- cute na picture natin. Syempre dapat ‘yung maliit lang para madaling hawakan, tapos panginginigin ko ‘yung boses ko, “Sana ganito na lang tayo dati, sana (konting taas ng boses) sana… sana lagi na lang tayong masaya (hinto), sana mahal pa kita! (sabay hikbi, with matching luha ulit)”. After nito, sasabihin ko sa’yo kung pano tayo nagkakilala, kung pano mong pinaikot ‘yung mundo ko. Dapat habang sinasabi ko lahat ng happy moments natin, nakangiti ako, pero umiiyak ako. Ang hirap non ah, pero wag ka mag- alala, pinaraktis ko rin ‘yun sa bahay.

Tapos lalapit ulit ako sa’yo. Dapat umiiyak ka na rin non, humahagulgol bago pa ko lumapit sa’yo. Tapos ang sasabihin mo lang “Hindi ko kaya, mahal pa kita!”, tapos sasagutin kita ng “Ikaw? Mahal mo ko?” Eto na ‘yung part na medyo tataas na ‘yung intensity. “Kaya ba niloko mo ko? Ganyan ka ba magpakita ng pagmamahal, sa panloloko?” “Hindi naman kita nilolok…(biglang kong puputulin ‘yung sasabihin mo)” “Anong hindi? Wag na tayong magpakatanga. Mahal mo ko, mahal mo rin s’ya di’ba? Pinapakawalan na kita!” (sabay luhod then hawak sa kamay mo). “Tapusin na natin ‘to, tutal parehas na tayong nahihirapan.”

Huhubarin ko na ‘yung singsing na binili natin sa isa’t isa. Eto na bale ‘yung climax. “Itong singsing na ‘to, ibigay mo ‘to sa kanya. Alam kong magugustuhan n’ya ‘to.” Tapos bigla akong tatayo ng mabilis, then lalakad ako sa pintuan ng kwarto mo. Titigil muna ko sa pinto, “Kung talagang tayo, pagtatagpuin ulit tayo sa tamang panahon. San.. (nangangatal) sana…” Then biglang takbo. palabas ng condo unit mo. At habang tumatakbo ako, isisigaw mo ‘yung pangalan ko. Hindi kita titignan pabalik, at sasakay ako kaagad sa elevator, ‘yung tipong paranoid na hahabulin mo ko gamit ‘yung hagdanan…

Namamawis na ‘yung kamay ko. Sa wakas, ito na. Bumukas na, unang unit, pangalawa, then pangatlo. Maghahagdanan sana ako para ma- rehearse ko pa kung may idadagdag ako, kaso mas maganda kung maikli lang. Sakto lang, pero may kurot.

Ito na, kakatok na ko. Hindi rin kasama sa script ko ‘yung pag- doorbell, kasi mas dramatic kapag may ‘katok factor’, may intensity. Tapos nag- text ka, hindi ko ineexpect na magtetext ka, wala din ‘yun sa script…

You have 1 message from xxxx: “Let’s break up!”